CEBU CITY – Kusang sumuko at nasa kustodiya na ng Cebu City Provincial Office (CPPO) ang isang lalaki matapos itong nag-post sa kanyang social media account na nag-akusa ng pangungurakot ni Pangulong Rodrigo Duterte at nagbabanta pa kay Cebu Gov. Gwen Garcia.
Sa kanyang post, sinabi ng isang Billy Joe Magdadaro na corrupt umano ang dalawang opisyal at magbibigay ito ng P10 million sa makakapatay kay Gov. Garcia.
Ayon pa kay CPPO Director Roderick Mariano, sumuko si Magdadaro kaninang ala-1:00 ng madaling araw upang malinis pa nito ang kanyang pangalan.
Gayunman, itinanggi din nito ang paratang na pagbabanta at iginiit na hindi nito pagmamay-ari ang nasabing account.
Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad at sasampahan ito ng karampatang kaso kung mapatunayang guilty ito.