DAGUPAN CITY – Nagapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa insidente ng pananaksak sa 24-anyos na lalaki sa Poblacion Zone 1 sa bayan ng Villasis.

Sa impormasyon ay nakilala ang biktima na si Jefforge Delos Santos na may kapansanan sa pag-iisip at residente ng Brgy. Puelay sa nabanggit na bayan.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng Villasis PNP na bago mangyari ang insidente ay magisang naglalakad ang biktima sa madilim na parte ng Villasis-Asingan Provincial Road nang bigla itong sugurin at pagsasaksakin ng ilang beses ng hindi pa nakikilalang suspek na agad na tumakas sakay ng kaniyang motorsiklo.

Agad namang itinakbo ng mga residente sa lugar ang biktima upang malapatan ng paunang lunas bago naman makaresponde ang mga kapulisan.

Tinukoy naman ng biktima ang suspek na isnag lalaking malaki ang katawan, matangkad at nakasuot ng itim na T-shirt.

Samantala, sa ngayon ay patuloy ang ginagawang follow up investigation sa insidente upang mahuli at malaman ang pagkakakilanlan ng suspek na siyang responsable sa nabanggit na krimen.