-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Matapos ang tatlong araw, naibalik na sa kanyang pamilya ang isang lalaki na umano’y nakidnap sa Pasay at iniwan sa Barangay Lidong sa bayan ng Sto. Domingo, Albay.

Kinilala ang biktima na si Arnel Javier, nasa legal na edad at residente ng San Juan, Bulacan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay P/Capt Genevieve Oserin, hepe ng Sto. Domingo Municipal Police Station, Nobyembre 15 pa nang dukutin ang biktima mula sa Pasay ng mga hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng motorsiklo at Nobyembre 18 na nang iwan ito sa nasabing barangay.

Lumalabas na nanakaw mula sa biktima ang aabot sa P2 milyon na halaga ng binibenta nitong mamahaling alahas at P198,000 na cash.

Ayon kay Oserin, agad na humingi ng tulong ang biktima sa kanilang tanggapan upang makontak ang mga kaanak na agad ding bumiyahe kasama ang Pasay police upang maiuwi na ang biktima.

Samantala, pahirapan sa ngayon ang pagtukoy sa mga suspek dahil hindi umano maalala ng biktima ang mga nangyari sa tatlong araw na hawak siya ng mga mga kidnappers.