CAUAYAN CITY – Nagtamo ng mga taga sa katawan ang isang lalaki matapos na ipagtanggol ang pamangkin sa kinasangkutang gulo sa Purok 1, Nanaguan, City of Ilagan.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang biktima ay si Joel Tadiwan, 45-anyos habang ang pinaghihinalaan ay si Virgillo Galande, nasa tamang edad at kapwa residente ng naturang lugar.
Personal na nagtungo sa Ilagan City Police Station ang bayaw ng biktima na si Richard Magudang upang iparating ang sinapit ng biktimang si Tadiwan sa kamay ni Galande.
Bago ang pananaga, ang anak ng pinaghihinalaan at pamangkin ng biktima ay nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan na nauwi sa suntukan.
Umawat umano ang pinaghihinalaan ngunit nauwi sa pagsuntok sa pamangkin ng biktima na nagsanhi para makisali sa gulo si Tadiwan.
Dahil dito nairita ang pinaghihinalaan kaya pumasok sa kanilang bahay at paglabas ay may hawak ng panabas at tinaga ng dalawang beses sa likod ang biktima.
Napuruhan ang kaliwang bahagi ng likuran ni Tadiwan kaya agad na tumigil ang pinaghihinalaan at dinala ang biktima sa Governor Faustino N. DY Hospital.
Sumuko naman ang pinaghihinalaan sa mga otoridad at bagamat posibleng magkaayos ang magkabilang panig ay nakahanda pa rin ang pulisya kapag nagsampa ng kasong frustrated murder ang biktima laban sa suspek.