-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN- Lubos na nagdadalamhati ang mga naiwang pamilya ng 29 anyos na lalaki sa bayan ng Umingan matapos nitong kitilin ang sariling buhay dahil sa depresyon sa Umingan, Pangasinan.

Ayon kay PMAJ. Arnold A. Soriano, ang Chief of Police ng Umingan Municipal Police Station, nangyari ang insidente sa Zone 7, Brgy. Dikit sa naturang bayan.

Kinilala naman ang biktimang si Jerome Reyes kung saan ginamit nito ang isang 3/4 nylon na tali na may sukat na humigit-kumulang dalawang metro bilang kaniyang panali sa kaniyang leeg na kaniyang namang isinabit sa kawayan.

Sa kanilang isinagawang imbestigasyon, kanilang napag-alamang bago ang insidente, nag-iisa umano ang biktima at umiinom ng alak kinagabihan bago ang insidente sa loob ng kanilang bahay, ngunit nang lumabas ang kanyang ama na si Juanito Reyes ng madaling-araw upang tignan ang anak nito, dito na nila natuklasan ang katawan ng biktimang nakalambitin na.

Sinikap naman aniyang iligtas at buhayin ang biktima sa pamamagitan ng Cardiopulmonary Resuscitation o CPR ngunit hindi na nagawang maisalba pa ang kaniyang buhay.

Dagdag pa ng opisyal na sinubukan pang dalhin ang biktima sa isang pagamutan na sinamahan pa ng kanilang punong barangay ngunit idineklara na itong wala ng buhay ng isang doktor.

Base rin aniya sa testimonya ng pamilya ng biktima, ipinaparamdam na umano nitong may balak na siyang magpakamatay dahil sa naranasang depresyon gawa ng problema sa pamilya.