CEBU CITY – Sa kulungan ang bagsak ng isang 20-anyos na lalaki matapos naaresto sa pamamagitan ng entrapment operation ng Regional Anti-Cybercrime Unit (RACU-7) sa Brgy. Pajac, lungsod ng Lapu-Lapu.
Kinilala ang suspek na si alyas George na pinaniwalaang nagbanta sa kanyang girlfriend na ipapakalat sa online ang mga nude photos nito kung hindi ibibigay ang kanyang mga demand.

Ayon kay RACU-7 acting chief police Lt. Col. Artemio Ricabo, dumulog sa kanilang tanggapan ang biktima matapos umanong nakatanggap ng mensahe kaugnay sa naturang banta.
Dahil dito, ikinasa kaagad ang operasyon laban kay “George” na hindi rin nagtagal at nahuli rin ng mga otoridad.
Nasa kustudiya na ng RACU-7 ang mga ebidensiya laban ng suspek samantalang naisampa na ang kasong kakaharapin ng suspek na grave coercion at paglabag sa Anti-Violence Against Women and Children Act at kabilang din ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
















