-- Advertisements --

Patuloy pang nadaragdagan ang mga mambabatas na umaanib sa Lakas–Christian Muslim Democrats (LAKAS-CMD) na pinamumunuan ni House Speaker Martin Romualdez.

Ito ay matapos na manumpa sa naturang partido nitong Martes ang 3 pang kongresista ng Mababang Kapulungan ng Kongreso mula sa Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) na pinamumunuan naman ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kabilang dito sina Masbate 1st district Rep. Richard Kho, Masbate 2nd district Olga Kho, at Masbate 3rd district Wilton Kho. Bunsod nito, nasa 89 na mambabatas na ng Kamara ang miyembro ng LAKAS-CMD.

Bilang Lakas-CMD president, pinangunahan ni Romualdez ang panunumpa ng 3 kongresista at 17 pang alkalde at isang bise-alkalde bilang mga bagong miyembro ng partido.

Sa isang statement, sinabi ni House Speaker Romualdez na ikinagagalak nilang tanggapin ang kanilang kasamahan sa Kamara at mga lokal na opisyal na naniniwala at nakikiisa sa kanilang pangako na tulungan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na higit pang palaguin ang ating ekonomiya, lumikha ng mas maraming revenue at mga oportunidad sa trabaho at gawing accessible at abot-kaya ang mga produktong pagkain at sa kabuuan, upang gawing mas mabuti pa ang buhay ng mamamayang Pilipino.