Target ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na buhayin ang Laguna lake, na pinakamalaking freshwater lake sa bansa para gawing pangunahing pagkukunan ng suplay ng isda para sa mga residente sa Metro Manila at karatig na probinsiya.
Ginawa ng kalihim ang naturang pahayag kasabay ng nilalayon ng DA na pababain ang mga presyo ng mga produktong pang-agrikultura sa pamamagitan ng pag-maximize sa aquacultural potential ng 940 square kilometer na Laguna Lake.
Sinabi ng kalihim na target nilang makapag-produce ng karagdagang pagkain sa mas mababang presyo tulad na lamang ng pagpapanumbalik ng presyo ng bangus sa P50 hanggang P70 kada kilo.
Base sa datos ng Laguna Lake Development Authority, nakakapag-produce ang Laguna de Bay ng tinatayang 90,000 tonelada ng mga isda kada taon at nagbibigay ng kabuhayan sa 13,000 mangingisda.
Samantala, nakatakdang makipagkita si Sec. Laurel sa Laguna Lake Development authority na pinamumunuan ni Environment Secretary Ma. Antonia “Toni” Yulo-Loyzaga para talakayin ang kinabukasan ng Laguna Lake kabilang ang flood gate guidelines na mahalaga para sa aquaculture.
Inatasan na rin ng DA chief ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para magsagawa ng pagsusuri sa kalidad ng tubig bawat quarter at isang capacity study sa Laguna Lake.