-- Advertisements --

Nagpahayag ng kanyang saloobin si Senator Panfilo Lacson kaugnay ng sentimyento ni Senator Alan Peter Cayetano na lahat ng nasa gobyerno ay korap.

Sinabi pa ni Lacson na huwag umano siyang idamay pagdating sa pagnanakaw sa kaban ng bayan at pagtanggap ng suhol.

“HUWAG NAMAN SANA NIYA KAMI IDAMAY,” caption pa ni Lacson sa kanyang social media post.

Sa kanyang post sa X, hindi sinang-ayunan ni Lacson ang naging pahayag ni Cayetano na lahat ng Pilipino ay korap at lahat ng nasa gobyerno ay magnanakaw.

Ang pahayag na ito ay nagmula mismo kay Cayetano, kung saan hinimok din nito ang bawat Pilipino na mag-donate ng ₱170,598.03 upang makatulong sa pagbabayad ng utang ng bansa.

“Lahat tayo magnanakaw, lahat kayo. Lahat tayo magnanakaw sa gobyerno,” pahayag ni Cayetano.

Sa isinagawang Senate plenary debate para sa 2027 national budget nitong Lunes, sinabi ni Cayetano na magiging mahirap hikayatin ang mga Pilipino na boluntaryong magbigay ng donasyon dahil sa kawalan ng tiwala ng publiko sa gobyerno na iniuugnay niya sa korapsyon.

Sa kabilang banda, nagbigay rin ng kanyang reaksyon si Executive Secretary Ralph Recto, na nagsabing maaaring simulan muna ni Cayetano ang pagdo-donate sa Treasury ng Bureau of Internal Revenue (BIR).