-- Advertisements --

Iginiit ni Senator-Judge Panfilo Lacson na hindi maaaring isantabi ng impeachment court ang umiiral na batas sa pagtalakay sa kahilingan na mabuksan ang mga tax record ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Lacson, dapat sumunod ang impeachment court sa mga rekisito ng National Internal Revenue Code, kabilang ang pagkuha ng nakasulat na awtorisasyon ng Pangulo bago mabuksan ang selyadong “green box” ng Bureau of Internal Revenue na naglalaman ng tax records ng bise presidente.

Binigyang-diin niya na ang kanyang posisyon ay nakabatay sa Rule of Law at hindi sa pagsuporta sa alinmang panig sa impeachment trial.

Dagdag pa niya, hindi niya magiging batayan ang anumang posibleng interpretasyong pulitikal sa magiging desisyon ng Pangulo kung magbibigay ito ng written authority, dahil ang mahalaga ay ang pagsunod sa itinatakda ng batas.

Nakatakdang dinggin ngayong linggo ng impeachment court ang oral arguments kaugnay ng mga subpoena para sa mga rekord ng Bureau of Internal Revenue, Anti-Money Laundering Council, at mga bangko.