Binalikan ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang mga akusasyong ibinato laban sa kanya noong administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang tugon sa nagpapatuloy na palitan nila ng pahayag ni dating Senator Alan Peter Cayetano.
Sa isang pahayag sinabi ni Lacson na napatunayang walang basehan ang mga naunang paratang na nagkamal siya ng yaman mula sa iligal na droga at nagtago ng salapi sa mga dayuhang bangko.
Ayon sa senador, kalaunan ay binawi ng ilan sa mga pangunahing nag-akusa, kabilang ang yumaong dating Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines chief Brig. Gen. Victor Corpus at Angelo “Ador” Mawanay, ang kanilang mga alegasyon at humingi ng paumanhin.
Sinabi rin ni Lacson na kinilala rin umano ni dating Pangulong Arroyo na ang mga naunang akusasyon laban sa kanya ay ibinatay sa maling impormasyon.
Iginiit ng senador na ang integridad ang pinakamahalagang pamana sa kanya ng kanyang mga magulang.
Ang pahayag ni Lacson ay kasunod ng nauna niyang sinabi na may mga impormante at testigo umanong handang magbigay ng ebidensiya laban kay Cayetano matapos umano siyang atakehin ng dating Senate president.
Nag-ugat ang bangayan matapos hamunin ni Cayetano ang administrasyon na imbestigahan ang 2019 Southeast Asian Games, habang sinabi niyang handa naman siyang magsagawa ng pagdinig sa umano’y mga anomalya sa flood control projects.
















