Nakatakdang iuwi sa Tagbilaran City, Bohol ngayong araw ang labi ni PSMS Maximino Nacua Jr. upang magkaroon naman ng pagkakataon ang mga kapamilya, kamag-anak at mga kaibigan nito na magdalamhati sa kanyang kamatayan bago ito ihatid sa kanyang huling hantungan sa susunod na Huwebes sa Captain Francisco Salazar Memorial Park.
Sinabi ng direktor ng Bohol Provincial Office(BPPO), PCOL. Jonathan Cabal na dadalhin ang labi nito sa headquarters ng Camp Francisco Dagohoy kung saan doon ito paglalamayan ng ilang araw.
Kung maalala, napatay si Nacua sa isang buybust operation na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Group sa Central Visayas (PDEG-7) matapos itong magpanggap na poseur buyer.
Samantala, nagsagawa naman ng maikling seremonya kaninang umaga ang kanyang mga kasamahang pulis bilang pamamaalam, ilang oras bago ang nakatakdang paglipat nito sa lungsod ng Tagbilaran.
Bilang karangalan sa kanyang kabayanihan, may apat na pulis ang itatalaga upang bantayan ang kabaong nito sa panahon ng kanyang lamay. Isasagawa din ang seremonya para dito kasabay ng kanyang libing.