Nagmistulang 2020 Finals rematch ang naging banggaan ng Los Angeles lakers at Miami Heat, sa kabila ng pagsisimula pa lamang ng 2023-2024 season.
Ito ay matapos na muling magpasiklaban ang nagsisilbing mga lider ng dalawang koponan: 28 big points kay Miami Heat Forward Jimmy Butler habang 30 points kay 39-yr-old Lebron James.
Maliban sa dalawang batikang players, malaki rin ang naging ambag ng dalawang bagitong players ng mga nabanggit na team: Austin Reeves ng lakers at Bam Adebayo sa Miami.
Kumamada si Reeves ng 23pts, 10 rebounds at 9 assists; habang 22 points, 10 assists at 20 big rebounds si Adebayo.
Hawak ng Heat ang 11-pt lead sa pagtatapos ng 3rd quarter ng naturang laban.
Pagpasok ng 4th quarter, pinilit ng Lakers na bumangon at nagbuhos ng 28 big points habang 18 points lamang ang naging kasagutan dito ng Miami.
Gayonpaman, hindi pa rin nagawa ng lakers na tuluyang maungusan ang Miami, dahil sa magandang depensa ng huli.
Sa opensa, malayong mas episyente ang Lakers sa kanilang 54.3% overall field goal average habang 46.6% lamang ang nakaya ng Miami.
Gayonpaman, naging mas mahigpit ang depensa ng Miami matapos magtala ng 11 steals kumpara sa anim lamang Lakers habang 11 offensive rebounds ang inagaw nito kumpara sa limang nakuha ng lakers.
Maalalang ang dalawang koponan ang naglaban noong 2020 NBA Finals na nagresulta sa naging panalo ng lakers.
Sa ngayon, kapwa nagtala ang dalawang koponan ng 3 – 4 na kartada, matapos ang tig-pitong regular season games.