-- Advertisements --

Nilunsad ng isang kumpanya sa Japan ang isang teknolohiya na kayang magpalutang ng buong bahay kapag tumama ang lindol.

Magugunitang ang Japan ay nasa pacific ring of fire —isang rehiyon sa paligid ng Pacific Ocean na aktibo sa mga lindol at pagputok ng bulkan gayundin ang apat na tectonic plates na nakapalibot sa bansa (Pacific Plate, Philippine Sea Plate, Eurasian Plate, at North American Plate).

Kung kaya’t ganito na lamang ang mithiin ng bansa na makaimbento ng makabagong teknolohiya na kayang harapin ang hindi mahulaang sakuna na lindol.

Ang proyekto ay pinangunahan ng imbentor na si Shoichi Sakamoto, na nakabuo ng kakaibang seismic isolation system na kayang i-angat ang buong bahay kapag lumilindol.

Sa oras kasi na makaramdam ang pagyanig, agad na nagpapakawala ng compressed air sa ilalim ng bahay, na siya namang nagtutulak dito pataas ng hanggang 3 sentimetro—sapat upang maiwasan ang matinding pag-uga.

Sa loob lamang ng kalahating segundo, lumulutang na ang bahay sa ere, at saka ito marahang baba sa lupa kapag humupa na ang pagyanig.

Bagama’t may paalala ang mga eksperto na maaaring subukin ng mas malalakas at multi-directional na lindol ang limitasyon ng imbensyon, nananatiling positibo ang pananaw ng gumawa nito.

Samantala kasalukuyang isinusulong ang crowdfunding upang maipalaganap ang floating house system hindi lamang sa Japan, kundi sa iba pang bahagi ng mundo.