-- Advertisements --

Mahigpit na ipinag-utos ngayon ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang pagpapatupad ng malawakang institutional changes upang tuluyan nang matuldukan ang umiiral na kultura ng hazing sa loob ng Philippine National Police Academy (PNPA).

Ang hakbang ay direktiba mismo ni NAPOLCOM Chief Commissioner Rafael Calinisan.

Inatasan ng opisyal sina Commissioner Josephus Angan at Commissioner Beatrice Aurora Vega-Cancio na pangunahan ang pagbalangkas ng mga panibagong polisiya at epektibong mekanismo upang maprotektahan ang mga kadete laban sa anumang uri ng tradisyon ng pang-aabuso.

Nilinaw ng komisyon na ang planong paglilinis sa akademya ay isang hiwalay na inisyatibo mula sa kasalukuyang pinoprosesong reporma para sa recruitment ng mga opisyal at non-commissioned officers ng pambansang pulisya.

Ang agarang aksyon ng NAPOLCOM ay bunsod ng panibagong kontrobersyang kinasangkutan ng institusyon, kung saan mahigit 20 underclassmen ang nabiktima umano ng hazing.

Batay sa paunang ulat, apat na nakatataas na kadete ang itinuturong responsable sa nasabing karahasan.

Tiniyak naman ni Calinisan na tututukan ng komisyon ang kaso at hindi na nila papayagang maulit ang ganitong uri ng mga insidente sa hinaharap.