-- Advertisements --

Patuloy na tinutugunan ng Department of Health (DOH) ang kulang na manpower na inireklamo ng mga hospital sa gitna ng mulang pagtaas ng kaso ng Covid-19 bunsod ng mas nakakahawang Delta variant.

Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, patuloy ang ginagawang augmentation process ng DOH, kung saan nasa 20,000 healthcare workers na ang napadala sa iba’t ibang pasilidad o mga ospital.

Ito ay bahagi ng kanilang emergency hiring program.

Isa ang kulang na manpower sa mga dahilan kung bakit hindi magawang palawakin ng mga ospital ang kanilang bed capacity lalo na at patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa kabilang dako, nilinaw naman ni Duque na wala pang batayan sa ngayon kung kailangang palawigin pa ang enhanced community quarantine sa Metro Manila pagkatapos ng Agosto 20. (Bombo Jane Buna)