-- Advertisements --

Hindi na umano kailangan pa ang mga lokal na korte ng Pilipinas para sa pagsisilbi ng warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Ronald dela Rosa, ayon kay retired Senior Associate Justice Antonio Carpio.

Paliwanag ni Carpio, hindi na kailangan pa ang pamamagitan ng mga lokal na korte ng bansa dahil ang kasong kinakaharap ng dating hepe ng Philippine National Police (PNP) ay krimen laban sa sangkatauhan at nakasaad din aniya sa ilalim ng ating Saligang Batas na tinatanggaap ng Pilipinas bilang bahagi ng batas ng ating bansa ang mga pangkalahatang tinatanggap na prinsipyo ng international law, kung saan kabilang dito ang crimes against humanity.

Anuman aniyang bansa ay maaaring magkaroon ng hurisdiksiyon dahil ito ay isang krimen laban sa buong sangkatauhan.

Sinabi rin ni Carpio na ang hindi pag-isyu ng Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) ay nangangahulugan na may bisa ang arrest warrant ng ICC.

Iginiit din ni Carpio na sa ilalim ng Republic Act 9851, may opsiyon ang gobyerno, ang Pangulo na isuko si dela Rosa o litisin siya sa bansa.

Ginawa ng retiradong mahistrado ang pahayag sa gitna ng paninindigan ng kampo ni dela Rosa na kailangan ng interbensiyon ng lokal na korte sa bansa para maging valid o may bisa ang naturang warrant.