KALIBO, Aklan —- Kinumpirma ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP)-Aklan manager Engr. Eusebio Monserate Jr. na nakatanggap sila ng proposal mula sa isang Korean Airline Company na gustong muling magkaroon ng direct flight sa Kalibo International Airport.
Ayon kay Engr. Monserate, maaring bumalik ang operasyon ng naturang airline company sa Abril 2, 2022 subalit subject for confirmation pa dahil sa ilang mga ikinokonsiderang protocol.
Samantala, may ilan pa aniyang international airline companies ang nagpahayag ng interes sa pagbabalik operasyon sa susunod na buwan.
Nabatid na may average na 30 international flights per day sa naturang paliparan noong hindi pa pumutok ang pandemya na karamihan ay nagmula sa Korea, China, Taiwan at Singapore.
Balik na rin sa normal ang domestic flights, kung saan ilang airline companies ang balak na magdagdag pa ng kanilang biyahe sa paliparan.










