-- Advertisements --

Hindi accredited sa Department of Tourism ang trending sa Captain’s Peak Resort ngayon nang dahil sa lokasyon nito sa gitna ng Chocolate Hills sa Bohol.

Ito ang binigyang-diin ng Tourism Department kasunod ng mga negatibong reaksyon ng publiko at maging ng mga mambabatas sa naturang resort na kontrobersyal ngayon.

Sa isang statement, iginiit ng DOT na hindi kabilang ang nasabing resort sa ilalim ng accreditation system ng ahensya, at wala rin anila itong pending application sa kanila.

Bukod dito ay inihayag din ng ahensya na mula pa noong Agosto ng nakaraang taon ay nakikipag-ugnayan na ito sa Bohol provincial government dahil sa kanilang mga alalahanin hinggil sa nasabing isyu, partikular na sa usapin ng pagkilala sa kahalagahan ng pagpe-preserba sa integridad ng natural resources ng Chocolate Hills.

Kung maaalala, una nang ibinulgar ng Department of Environment and Natural Resources sa bukod na pahayag na noon pang Setyembre 2023 ay naglabas na ito ng temporary closure order laban sa nasabing resort, habang nitong Enero 22, 2024 naman ay naglabas muli ang ahensya ng Notice of Violation laban dito nang dahil sa pagooperate ng walang kaukulang Environmental Compliance Certificate. (With reports from Bombo Marlene Padiernos)