Pansamantalang isasara ang kontrobersyal na resort na “Captain’s Peak” sa gitna ng Chocolate Hills sa Bohol.
Ito ang inanunsiyo ng Captain’s Peak Garden and Resort sa kanilang online post matapos silang ulanin ng batikos, pagtutol at mga kuwestiyon mula sa publiko patungkol sa kanilang operasyon upang makapagtayo ng naturang resort.
Layunin umano nito na mapreserba at mapanatili ang magandang kondisyon ng nasabing vacation spot.
Inilabas ng nasabing resort ang kanilang pahayag ilang oras lamang matapos sabihin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na naglabas sila ng Temporary Closure Order (TCO) noong Setyembre 6, 2023 at isang Notice of Violation noong Enero 22, 2024.
Mariin ding iginiit ng DENR na ang nasabing resort ay nag o-operate nang walang Environment Compliance Certificate.
Samantala, labis naman ang panghihinayang ni Julieta Siblas sa desisyon na pagsasara ng resort dahil marami sa mga mangagawa rito ang tila mawawalan ng trabaho.
Ayon sakaniya, karamihan sa kanila ay umaasa lamang sa kanilang kita mula sa resort upang suportahan ang pag-aaral ng kanilang mga anak.
Sa ngayon, hindi pa rin nagbibigay ng update ang DENR patungkol sa inspeksiyon na isinagawa ng kanilang regional office habang patuloy pa rin ang pakikipag-ugnayan ng kanilang regional operations team sa Bohol hinggil sa nasabing isyu.