-- Advertisements --

Umaani pa rin ng samu’t saring reaksiyon ang Facebook post ng dating accountant ni dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog kaugnay sa umano’y tila pagtaboy nito sa mahigit 50 overseas Filipino workers (OFWs) na naipit sa Metro Manila dahil sa enhanced community quarantine na ipinatutupad sa Luzon bunsod ng Coronavirus disese 2019 (COVID-19).

Base sa link ng isang article ng Daily Guardian na ipinost ni Irma Lim sa kanyang Facebook, bagamat hindi naman niya dini-discriminate ang 52 Ilonggo overseas workers ay kailangan lang naman daw na protektahan ang kanilang boarder para hindi makapasok ang virus sa naturang probinsiya.

“I am not discriminating, but we need to protect our borders. Will these 52 OFWs be subjected to a 14-day quarantine in our city and province? Where will they be quarantined? Our LGU has done a good job in keeping us safe and providing us assistance. With this move, we might experience a drawback if not handled well,” ani Lim sa kanyang post.

Ayon sa mga netizens, base sa post ni Lim ay hindi ito kampante sa pagpapauwi sa 52 OFWs.

Tila kinikuwestiyon daw kasi ni Lim kung may plano bang i-quarantine ang mga Pinoy workers at kung saan.

Sinabi rin niyang kuntento na siya sa proteksiyong ibinibigay ng local government unit (LGU) at baka magulo lang ang sitwasyon ng mga pinapauwing OFWs.

Dahil dito, maraming netizens ang umalma sa pahayag ni Lim.

“Hindi s’ya makatao, makasarili s’ya. Asal matapobre yata si tita, parang diri-diri s’ya at gustong itaboy ang mga OFWs,” base sa mga comments.

“Parang gusto n’ya na s’ya lang makinabang sa mga benepisyo na binibigay ng LGU. Ipagkakait n’ya ito sa iba. Pwede naman s’yang nagsabi na, Paano tayo makakatulong para siguradong manatiling ligtas tayong lahat sa COVID-19? Ngunit mas pinili n’ya na magsalita ng di maganda sa mga OFWs na tinuturing natin na mga bagong bayani,” ayon pa sa ilang netizens.

May nagsabi rin na walang karapatan si Lim na itaboy ang mga OFWs dahil ang mga ito ay dumaan na sa proseso na tinakda ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pamamahala ni OWWA administrator Hans Cacdac.

Tumulong rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at si Defense Secretary Delfin Lorenzana para maisaayos ang chartered flights para sa OFWs.

Kaya nakakapagtataka umano kung bakit tila walang tiwala si Lim sa kakayahan ng mga LGUs at iba’t-l ibang ahensiya ng pamahalaan.

“Hindi naman po papauwiin ang mga OFWs nang basta-basta. Tiniyak na yan na maging OK sila. Dapat i-welcome natin sila ulit sa Iloilo. Hindi biro ang ma-stranded habang may pandemic. Banggit naman ng isang netizen, Accountant s’ya. Titulado s’ya. Pero bakit ganyan ang sinasabi n’ya? Kung s’ya kaya paimbestigahan natin kung tama ba yung na-de-declare n’ya na taxes pra sa mga kliyente n’ya? Ano kaya ang mararamdaman n’ya?” Dagdag pa ng mga netizens.

Matatandaang kasama si Lim ni dating Iloilo City mayor Jed Patrick E. Mabilog nang ito’y nagpakuha ng litrato na naka “fist sign” noong October 2016.

Inakusahan noon ng mga netizens si Mabilog sa pag-balimbing dahil sa ginawa niyang pag-pose dahil miyembro siya ng Liberal Party (LP) at ang nasabing “fist sign” ay inuugnay sa mga kaalyado ni President Rodrigo Duterte na kabilang sa Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP–Laban).