-- Advertisements --
image 252

Nilagdaan na bilang batas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kontrobersiyal na Maharlika Investment Fund sa kabila pa mga babala mula sa ilang mga ekonomista at mambabatas na maaaring malagay sa peligro ang ekonomiya ng bansa.

Pinirmahan ni Pang. Marcos ang Republic Act No. 11954 sa isinagawang maikling seremoniya sa Malacañang ngayong araw.

Sa ilalim ng batas, bubuo ng isang Maharlika Investment Corporation na siyang mamamahala sa board of directors na pamumunuan ng Finance secretary.

Base sa bersiyon na ipinasa ng Kongreso, ang board ay binubuo ng pangulo at chief executive officer ng Land Bank of the Philippines, 2 regular directors,at 3 independent directors mula sa pribadong sektor.

Sa naging talumpati ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sinabi nito na ang Maharlike Investment Fund ay isang matapang na hakbang tungo sa economic transformation ng ating bansa kasabay ng pagrekober mula sa COVID-19 pandemic.

Makakatulong din aniya ito upang maiwasang malubog sa utang ang gobyerno para mapondohan ang mga proyekto sa imprastruktura.

Sa kauna-unahan ding pagkakataon sa kasaysayan ng Pilipinas, mayroon ng isang sovereign wealth fund ang bansa na nakadesinyo para mapalakas pa ang economic development.

Ang MIF ay isang sovereign wealth fund na target ng pamahalaan na gamitin sa pag-invest sa foreign currencies, domestic at foreign corporate bonds, commercial real estate, at infrastructure projects.

Sa ilalim ng batas, ang inisyal na kapital ay magmumula sa investible funds ng Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines, idinekalrang dibidendo ng Bangko Sentral ng Pilipinas, at iba pang sources.