-- Advertisements --

Nagbabala ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa posibilidad na bababa ang kanilang contributions sa Universal Health Care (UHC) lalo pa ngayong tinatayang P15 million kada araw ang nawawala sa kanilang kita dahil sa community quarantines.

Sinabi ni PAGCOR chair at chief executive officer Andrea Domingo na posibleng mangangalahati ang kita ng ahensya ngayong taon dahil sa tumatagal na pag-iiral ng mga community quarantines sa bansa.

Sa kanilang tantya, maaring bumagsak sa P16 billion hanggang P17 billion na lamang ang kikitain ng PAGCOR sa oras na manatili pa rin sa kasalukuyang lebel ang mga quarantine restrictions na ipinatutupad ng pamahalaan.

Kalahati ito ng P30 billion na kinita nila noong 2020 at P80 billion naman noong 2019.

Noong nakaraang taon lang, sinabi ni Domingo na P18 billion ang ibinigay nila para sa UHC, bagay na maaring bumaba pa ngayong taon kapag magpatuloy pa rin ang mga quarantine.

Inamin ni Domingo na marami silang problemang kinakaharap ngayon sa PAGCOR bunsod ng COVID-19 pandemic, at kung magpapatuloy pa rin ang trend na ito ay maaring hindi na sila makakatulong pa.

Sa ilalim ng kanilang mandato, ang PAGCOR ay obligado na i-regulate ang gaming industry, makapag-generate ng kita para sa socio-civic at national development programs ng pamahalaan, at makatulong sa tourism industry.

Noong 2020 nang aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na nagsasabi na bahagyang kukunin sa kita ng PAGCOR, pati na rin sa budget ng Department of Health, kita sa sin tax, kontribusyon mula sa PhilHealth, at sa PCSO ang pondo para sa implementasyon ng Universal Healthcare Law.