-- Advertisements --

Kinukwestyon umano ng ilang mga commissioners ang pinasukang kontrata ng Comelec sa pribadong kompanya na Impact Hub Manila o ang Vote Pilipinas.

Ito ay makaraang lumutang ang memorandum umano ni Comelec Commissioner Rey Bulay na nagsasabing “grossly disadvantageous” ang partnership nila sa Vote Pilipinas.

Mariin ding kinukwestyon ni Bulay kung bakit pinili ang Impact Hub na kaduda-duda umano ang kakayahan nito na magsagawa ng naturang kalaking okasyon.

Inirekominda rin nila na humiwalay na ang Comelec sa kontrata sa Impact Hub.

Kinumpirma rin naman ni Comelec commissioner George Garcia na kasama siya sa pabor na paimbestigahan ang pagpasok ng Comelec sa kontrata sa Vote Pilipinas at tapusin ito sa lalong madaling panahon.

Samantala, sinasabing nadiskubre rin umano ni Commissioner Bulay na sina Comelec Directors James Jimenez at Frances Arabe ay hinihiling sa komisyon na magpalabas umano ng P15 million para bayaran ang Sofitel hotel.

Ang disbursement ng pera ay inaprubahan daw nina Comelec Chairman Saidamen Pangarungan at Commissioner Socorro Inting.

Ayon kay Bulay bakit daw pipirmahan ng kanilang chairman ang ang pagpapaluwal ng P15 million samantalang hindi naman daw ito naipresenta o natalakay sa En Banc at sa kanilang Bids and Awards Committee.

Tinatangka namang makunan nang pahayag ng Bombo Radyo ang Comelec chairman at iba pang opisyal ng komisyon.