-- Advertisements --

Patuloy na lumilikom ng suporta sa Kongreso ang konsepto ng universal basic income (UBI) kasunod nang pag-apruba ng House Committees on Economic Affairs at Social Services sa Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 3).

Sinabi ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda, magandang pagkakataon ang Bayanihan 3 para masubukan ang UBI, lalo pa at nagbabanta ang “K-shaped recovery” sa oras na bumalik sa normal ang economic activity sa bansa.

Bagama’t pumasok man aniya sa microentrepreneurship ang mga Pilipino sa nakalipas na taon bunsod ng pandemya, hindi naman ito sustainable pagdating sa daloy ng kanilang kinikita.

Habang nangyayari ito, ang mga mayayaman naman ay nagawang makabili ng mga assets sa mas murang halaga, kaya kapag makapag-recover na ang ekonomiya ay lalo lamang yayaman ang mga ito.

Ang konsepto kasi aniya ng UBI ay iwasto ang mga kamalian sa free market, kabilang na ang “overaccumulation” ng yaman.


Isa sa mga kailangan gawin aniya ay ang i-update ang land valuations at aprubahan ang Package 3 ng tax reform, o ang Real Property Valuation ang Assessment Reform, gayundin ang pagpataw ng mas mataas na rates sa mga low-density housing para sa mga mayayaman sa MEtro manila.

Sa ilalim ng proposed package, bibigyan ang bawat Pilipino ng tig-P1,000 sa loob ng dalawang tranches.

Para mapondohan ito sa loob ng mahabang panahon, sinabi ni Salceda na kailangan na rin magkaroon ng rationalization sa mga buwis ng mga mayayaman.