DAVAO CITY – Hindi muna nagbigay ng karagdagang detalye si OIC-CHO head Ashley Lopez sa pagkakakilanlan ng dalawang indibidwal na sinasabing namatay matapos maturukan ng COVID-19 vaccine sa Davao region dahil nagpapatuloy pa ngayon ang ginagawang imbestigasyon ukol dito.
Una nang lumabas ang impormasyon na binawian ng buhay ang dalawang indibidwal matapos na makaranas ng adverse effect sa bakuna.
Pero nilinaw ni Lopez na maliit lamang ang bilang ng mga indibidwal na nakaranas ng adverse effect matapos maturukan ng bakuna kontra COVID-19.
Iginiit din nito na anumang klase ng bakuna ang gagamitin sa isang indibidwal ay pareho lamang epektibo ang mga ito.
Pinayuhan naman ngayon ng Department of Health (DOH) ang publiko na samantalahin ang pagkakataon at kailangan na magpabakuna pa rin ng second dose para matiyak na protektado ito sa virus.
Sa kasalukuyan, wala pa umanong naitala ang ahensiya na may mga indibidwal na hindi bumalik para sa kanilang ikalawang dose sa bakuna.
Nagpapatuloy ngayon ang pagsusumikap ng lokal na pamahalaan para lamang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng kaso sa mga nahawa ng covid-19.










