CENTRAL MINDANAO-Ginawaran ng Outstanding Swine Recovery Award ng Department of Agriculture o DA12 ang Office of the City Veterinarian o OCVET sa Kidapawan City.
Kasunod ito ng deklarasyon ng Kidapawan City bilang African Swine Fever o ASF free area noong December 1, 2021 kung saan ay nag-negatibo ang lahat ng samples mula sa mga piggeries sa mga barangay ng Linangkob, Mua-an, Sikitan, Gayola, at Paco na una ng naapektuhan ng ASF nitong 2020.
Ayon kay Regional Veterinary Quarantine Officer Castor Leo A. Ejercito, naging matagumpay ang kampanya ng City Veterinarian Office ng Kidapawan laban sa ASF na nagresulta sa ASF viral antigen negative result sa lahat ng mga inobserbahang alagang baboy.
Kabilang sa pagsisikap na ginawa ng City Vet ay ang matiyagang pagsusumite sa DA12 Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory ng mga swabbing at iba pang tests, pagpapanatili ng kalinisan ng mga piggeries o hog farms ganundin ang wastong pagpapakain ng mga alagang baboy, ayon kay Ejercito.
Malugod namang tinanggap ni City Veterinarian Eugene Gornez ang recognition at pinasalamatan ang mga hog raisers sa suporta at kooperasyon sa mga programa para maka-recover ang mga maliliit na hog raisers.
Binigyang-diin din ni Dr. Gornez ang mga kapaki-pakinabang na programang pang-agrikultura ng City Government of Kidapawan sa pangunguna ni City Mayor Joseph A. Evangelista kung saan tinutukan ang suliranin ng mga hog raisers na matinding naperwisyo ng ASF.
Kabilang dito ang pagbibigay ng mga sentinel pigs sa pakikipagtulungan ng DA12, high quality feeds, vitamins and boosters at disinfectants, sinabi ni Gornez.
Matatandaan na matapos lumabas ang negative ASF viral antigen result ay naglabas din ng certification si Mayor Evangelista para sa limang barangay na ang mga ito ay ASF-free na at ang mga hog raisers ay maaari ng makapagparami uli ng alagang baboy para makabawi sa matinding pagkalugi dulot ng ASF.(