-- Advertisements --

Nanindigan ang Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) na may kakayahan pa rin mag-operate ang inagiw nang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP).

Pahayag ito ng ahensya matapos sabihin ng Malacanang kamakailan na nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na ma-konsulta ng mga opisyal ang mga residente sa malapit sa pasilidad hinggil sa planong pagbubukas nito.

Sa isang panayam sinabi ni PNRI director Carlo Arcilla na walang dapat ikabahala ang publiko dahil iba ang istruktura ng nuclear power plant facility sa Bataan, mula sa sumabog na Chernobyl facility noong 1986 sa Russia.

Ayon sa opisyal, mayroong containtment structure ang BNPP na katulad nang sa Western nuclear facilities. Ibig sabihin, sakaling magkaroon ng aksidente ay tiyak na hindi kakalat.

Dagdag pa ni Arcilla, mas mura ang magiging produksyon sa pagpapatakbo ng nuclear power plant facility kumpra sa mga coal plants.

Kaya naman asahan daw ang posibilidad na bumaba ang singil sa kuryente ng mga makikinabang na consumer.

Magugunitang nagbaba ng Executive Order kamakailan ang presidente para sa action plan kaugnay ng posibleng pagbubukas ng Bataan Nuclear Power Plant.

Noong dekada 70 sinimulang itayo ang pasilidad sa ilalim ng administrasyong Marcos, pero nang matapos ito ay hinarang ng administrasyong Aquino ang dapat sanang operasyon. Higit 30-taon nang hindi nago-operate ang pasilidad.