CENTRAL MINDANAO-Binawian ng buhay ang isang kawani ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa pamamaril sa Cotabato City.
Nakilala ang biktima na si Mingko Marohom Ebrahim, 32anyos, binata, kawani ng BARMM Ministry of Education at residente ng Purok Matigkel Barangay Rosary Heights 7 Cotabato City.
Ayon sa ulat ng pulisya na habang lulan ang biktima sa hiniram niyang motorsiklo sa Gonzalo Javier Street sa Brgy RH 7 ng lungsod ay bigla lamang itong hinarang ng dalawang hindi kilalang suspek at pinagbabaril gamit ang kalibre.45 na pistola.
Mabilis namang tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo patungo sa liblib na lugar sa syudad ng Cotabato.
Agad binawian ng buhay ang biktima nang magtamo ng limang tama ng bala sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pamamaril patay sa biktima.