-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Umani ng mga papuri ang isang empleyado ng Cauayan City Airport matapos niyang ibalik ang napulot na envelop na naglalaman ng P82,000 at iba pang mga dokumento.

Ang tapat na empleyado ay kinilalang si Alexander Nuñez, isang maintenance person na sampung taon nang nagtratrabaho sa Cauayan City Airport.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cauayan Airport Manager Greysen Villoria sinabi niya na ang pera at iba pang mga kagamitan ay pag-aari ni Evelyn Ignacio Lacaden na isang OFW.

Aniya, napansin ni Nuñez ang green envelop na nakapatong sa isang pushcart na agad niyang ipinasakamay sa CAAP Securirty and intelligence Services (CSIS).

Dahil may contact number sa envelop ay agad na natawagan ang may-ari.

Labis namang nagpapasalamat si Lacaden dahil naibalik sa kanya ang kanyang pera at ibang mga dokumento.

Ayon kay Lacaden siya ay mula sa Singapore at umuwi lamang sa Pilipinas para magbakasyon.

Nakatakda namang tumanggap ng pagkilala si Nuñez dahil sa ipinakitang katapatan.