Hinimok ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Sarte Salceda ang Department of Interior and Local Government (DILG) na bawiin ang Memorandum Circular na nagbabawal sa mga tricycle na bumiyahe sa mga national highway.
Kaugnay nito, naghain ng resolusyon si Salceda sa layuning ipabasura ang naturang memorandum at para makapagsagawa rin ng pagdinig ang Committee on Transportation at makahanap ng iba pang alternatibo.
Iginiit ni Salceda na libu-libong pamilyang Pilipino na ang hanapbuhay ay pagbiyahe ng tricycles at ang ban ng DILG sa pagbiyahe ng mga ito sa national highways ay maituturing bilang “unjust.”
Bukod dito, “pro-rich” at “anti-poor” aniya ang memorandum na ito ng DILG dahil hindi ito napag-aralang mabuti at hindi rin ikinunsidera ang socio-economic status ng mga Pilipinong kadalasang sumasakay ng tricycle.
Sinabi ni Salceda na 4.5 million tricycles ang nagbabayad ng road users tax na aabot ng hanggang P1.2 billon kada taon, at P52 billion para naman sa excise tax at VAT sa mga produktong petrolyo kada taon na siyang bahagi rin ng nalilikom na P650 billion na pondo ng DPWH.
Kung tutuusin aniya, batay sa pag-aaral ng World Health Organization Philippines at Land Transportation Office noong 2017 aya mas mataas ang incident rate ng mga sasakyan kompara sa mga tricycle.