-- Advertisements --

Tiniyak ni National Task Force COVID-19 chief implementer Carlito Galvez Jr. na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng makakaya nito para matiyak na hindi matambak sa mga ospital ang bilang ng katawan ng mga pumanaw dahil sa COVID-19.

Ginawa ni Galvez ang naturang pahayag kasunod ng mga ispekulasyon na sa hallways ng East Avenue Medical Center ay dumarami na ang bilang ng mga nakatambak na katawan ng mga pumawaw dahil sa COVID-19 bunsod nang kakulangan sa body bags.

Sa isang panayam, sinabi ni Galvez na sa polisiya ng national task force dapat ang Metropolitian Manila Development Authority (MMDA) at Office of the Civil Defense ang siyang kukuha sa katawan ng mga pumanaw na COVID-19 patients.

Kailangan din aniyang ma-cremate ang mga ito sa loob ng 12 oras matapos itong pumanaw upang sa gayon maiwasan ang contamination.

Pero nagkakaproblema aniya sa ilang ospital dahil ayaw din kuhanin ng mga kamag-anak ang labi ng kanilang pumanaw na kaanak.

Nauna nang itinanggi ng East Avenue Medical Center ang ulat na nagkukulang sila sa body bags kung saan dapat ilagay ang mga cadavers.

Ayon sa administration staff ng ospital, bagama’t bumababa na nga ang kanilang supply ng body bags, sa ngayon ay mayroon pa naman aniya silang sapat na supply.