Hinimok ni House Committee on Labor and Employment chairman at 1-Pacman party-list Rep. Enrico Pineda ang Kamara na imbestigahan sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa susunod na linggo ang posibleng paglabag sa Memorandum of Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait.
Apela ito ni Pineda matapos na mapaslang ang Pilipinang domestic helper na si Jeanely Villavenda ng amo nito sa Kuwait kamakailan.
Sa ngayon, sinabi ni Pineda na suportado niya ang pagdeklara ng deployment ban sa Kuwait dahil sa kung totoong concerned aniya ang naturang bansa sa kalagayan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) doon ay kanilang tinitiyak ang proteksyon sa mga ito.
Magugunita na Mayo 11, 2018 nang lumagda ang gobyerno ng Pilipinas at Kuwait sa isang kasunduan na nagbibigay ng proteksyon sa kalagayan ng mga OFWs doon kasunod nang pagkakapaslang kay Joana Demafelis.
“The agreement requires thw two countries to uphold ethical recruitment policies, systems, and procedures for the recruitment and employment of domestic workers subject to their laws and regulations,” ani Pineda.