CAUAYAN CITY- Dumalo sa pagdinig ng House Oversight and Reform Committee at Senate Judiciary Committee ang pamilya ng mga biktima ng mga naganap na pamamaril sa Amerika sa nakaraang isang linggo.
Nagbigay sila ng testimonya at hiniling sa US Congress na pagtibayin na ang isinusulong na gun reform para matigil na ang mga insidente ng pamamaril sa ibat ibang lugar sa Estados Unidos.
Magpapatuloy hanggang Biyernes ang mga pagdinig ng US Congress.
Tumitindi ang mga mass shooting sa Amerika dahil sa nakalipas lamang na isang linggo ay apat ang naganap na pamamaril na nagbunga ng pagkasawi ng labimpitong tao.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent Jon Melegrito, news editor ng isang pahayagan sa Washington DC na naganap ang mga pamamaril sa Philadelphia, Tennessee at Michigan.
Sa Germany, France, Australia at mga bansa sa Uropa aniya ay lima lang ang mga naitalang pamamaril ngunit sa Estados Unidos ay naitala ang dalawang daan apatnapung mass mass shooting sa loob ng isang taon kaya lumalakas ang pressure sa US Congress na magkaroon na ng action para matigil na ang mga mass shooting.
Kabilang sa isinusulong na gun reform ang pagsasagawa ng background check sa mga bebentahan ng baril at pagtaas ng edad ng puwedeng bumili.
Mula sa labingwalo ay gawing dalawmaput isa ang edad ng puwedeng bumili at huwag ibenta sa kanila ang mga assault weapons.
Pinag-usapan din ang investment sa mental health para mabigyan nga atensiyon ang seguridad sa mga paaralan.
Inaantabayanan kung magkaroon ng kasunduan ang mga Democrats at Republicans para maipasa na ang sensible gun reform law na kailangan sa Amerika upang mapigilan na ang mga insidente ng pamamaril.










