Iginiit ng Office of the Solicitor General (OSG) na hindi saklaw ng extradition rules ang kaso ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa dahil magkaiba umano ang extradition at surrender sa International Criminal Court (ICC).
Ayon sa OSG, ginagamit lamang umano ni Dela Rosa ang extradition rules upang madagdagan ang mga legal na usapin kaugnay sa pagpapatupad ng warrant of arrest laban sa kanya.
Sinabi rin ng OSG na hindi karapat-dapat si Dela Rosa sa injunctive writ dahil hindi naman umano nalagay sa panganib ang kanyang kalayaan sa mga pagtatangkang isilbi ang warrant.
Binanggit din ng OSG na nakapasok pa si Dela Rosa sa Senado noong nakaraang linggo, nakaboto para kay Senador Alan Peter Cayetano bilang bagong Senate President, nabigyan ng proteksyon, at nakalabas nang walang hadlang.
Dahil dito, sinabi ng OSG na malinaw na hindi umano siya nasa ilalim ng aktuwal na restriksyon at sa halip ay nananatiling malaya.
Ito ang bahagi ng tugon ng OSG, bilang kinatawan ng gobyerno, matapos atasan ng Korte Suprema na magkomento sa hiling ni Senador Dela Rosa na pigilan ang pagpapatupad ng warrant laban sa kaniya.
Binigyan naman ng Korte Suprema si Dela Rosa at ang kaniyang mga abogado ng 72 oras mula sa pagtanggap ng komento ng gobyerno upang magsumite ng kanilang tugon.
















