-- Advertisements --

Nagkoroon umano ng pagtaas sa bilang ng mga pagpatay na may kaugnayan sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga sa kalagitnaan ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Ayon kay Human Rights Watch (HRW) Asia Division researcher Carlos Conde, tumaas sa 50 percent ang kaso ng pagpatay mula Abril hanggang Hulyo ngayong taon kumpara sa unang apat na buwan.

Ito ay base sa pinakahuling data mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sa datos ng PDEA 155 katao ang namatay sa nakaraang apat na buwan kumpara sa 103 katao na namatay mula December 2019 hanggang Marso 2020.

Sa kabuuan mayroon na raw 5,810 ang namatay sa anti-illegal drug operations mula 2016.

Ayon kay PDEA chief Director General Wilkins Villanueva, magiging professional at massive daw ang drug war sa kanyang leadership.

Una rito, sinabi ni PNP chief Police General Camilo Pancratius Cascolan na wala raw extrajudicial killings dahil hindi raw mag-i-sponsor si Pangulong Rodrigo Duterte ng patayan sa ilalim ng kanyang administrasyon.