LEGAZPI CITY – Ikinatuwa ng National Nutrition Council (NNC) ang naging pagbaba ng kaso ng stunting o pagkabansot sa Bicol region sa kabila ng kinakaharap na pandemya.
Ayon kay NNC Program Coordinator Arlene Reario sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, lumalabas sa Operation Timbang na bumaba ng halos 2 percent ang kaso ng stunting sa rehiyon o nasa 13.38 percent na lamang mula sa 16.95 percent noong 2020.
Salungat ito sa una nang naging prediction ng ilang grupo noong nakaraang taon na tataas ang kaso ng malnutrisyon at pagkabansot dahil sa pandemya.
Ang naturang data ay lumabas matapos ang pagsukat ng timbang at height ng mga sanggol na nasa 0 hanggang 59 months old.
Tinitingnan ng opisyal na resulta ito ng pagsusumikap ng mga magulang na mapakain ng masustansya ang kanilang mga anak sa kabila ng naitalang kawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
Ayon kay Reario, marami kasing mga magulang ang nakiisa sa pagtatanim ng mga prutas at gulay sa gitna ng pandemya kaya nagkaroon rin ng kanya-kanyang diskarte ang mga ito kung paano mapupunuan ng nutrisyon ang kanilang mga anak.
Samantala, dahil itinuturing na “seat of all emergencies” ang Bicol ay mas nagiging prayoridad umano ng mga proyekto ng national government ang rehiyon.