BOMBO DAGUPAN – Nakapagtala ng karagdagang limang kaso ng dengue mula Agosto hanggang Setyembre ang syudad ng Dagupan sa bilang na 57 mula noong Enero.
Ayon kay Dr. Ophelia Rivera, ang City Health officer ng syudad, kinabibilangan ito ng mga bata, adult at maging senior citizen.
Bilang hakbang upang maiwasang makapagtala ng kaso ng dengue, bago pa aniya magsimula ang klase sa mga pampubliko at pribadong paaralan, nagsagawa na sila ng cleaning operation maging sa mga barangay.
Noon aniyang taong 2022, nakapagtala ang syudad ng 111 na kaso ng dengue pero kung titignan, dahil ang peak season ay nasa mga buwan ng August, September hanggang December, tingin aniya na mas magiging mababa ang kaso nito sa kasalukuyang taon kung ikukumpara sa nakalipas.
Nanawagan naman ito sa mga residente na ugaliing maglinis ng kapaligiran upang maiwasan ang pagkakaroon ng naturang sakit.
Paalala rin nito na kung nakakaranas na ng lagnat, pananakit ng ulo at rashes ay magpakunsulta na agad sa doktor at huwag na aniyang hintaying dumugo ang ilong.