Pumalo na ng 3,003,352 ang kaso ng 2019 coronavirus infectious disease o COVID-19 sa buong mundo.
Umabot naman ng 207,103 katao ang namatay dahil sa naturang sakit.
Batay sa huling datos, nangunguna pa rin ang Estados Unidos sa mga bansang may pinakamaraming coronavirus case. Halos isang milyon na kasi ang kaso ng virus sa Amerika habang nakapagtala naman ito ng 55, 415 na nasawi.
Kasabay nang patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso sa nasabing bansa, inaasahan naman ang muling pagbubukas ng ilang estado sa Amerika ngayong linggo.
Patuloy naman ang pag-uusap ng mga opisyal hinggil sa kung kailan muling bubuksan ang ekonomiya ng US.
Samantala, natanggap na ng Germany ang 10 million face masks mula sa China ngayong araw.
Sinakay ang mga face masks sa Antonov AN-2258, ang itinuturing na world’s largest cargo plane.
Nakatakda ring dumating sa naturang bansa ang nasa 15 million masks na isasakay naman sa German military chartered flights.















