Tuluyan nang sinibak sa serbisyo ang kasintahang pulis at primary suspect sa pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon na si PMaj. Allan De Castro.
Ito ang inanusyo ni Police Regional Office – Calabarzon PBGen. Kenneth Lucas sa ginanap na press briefing kasunod ng kaniyang paglagda sa dismissal order ni De Castro na naging epektibo noong Enero 16, 2024.
Kasunod ito ng mga nakalap na matitibay na ebidensya ng Regional Internal Affairs Service hinggil sa mga kasong administratibo na kaniyang kinakaharap na conduct unbecoming of a police officer na kanilan isinampa laban sa kaniya nang dahil sa imoralidad na pinagtibay ng matalik na kaibigan ni Camilon.
Sabi ni PBGen. Lucas, ang dismissal ni De Castro ay kanilang hakbang upang tiyaking mapapanagot ito sa kaniyang mga maling gawain.
Kasabay nito ay nilinaw din niya na ang administratibong kasong ito laban kay De Castro ay bukod pa sa mga criminal investigation na isinagawa ng mga otoridad hinggil pa rin sa pagkawala ni Camilon noong Oktubre ng nakalipas na taong 2023 at hanggang sa ngayon ay pinaghahahap pa.
Samantala, kasunod nito ay tiniyak naman ni PBGen. Lucas na mananatiling committed ang kanilang hanay sa pagsasagawa ng fair and impartial investigation sa anumang alegasyon ng misconduct ng sinumang pulis na kaniyang nasasakupan anuman ang ranggo o posisyon nito.
Kasabay ng pangakong hindi nito hahayaan na masangkot sa anumang katulad na insidente ang kanilang mga tauhan na magmimitsa naman ng dungis sa buong organisasyon ng Philippine National Police.