-- Advertisements --

Nagbabala ang OCTA Research Group na posibleng maging “overwhelming” ang surge ng bagong COVID-19 infections sa National Capital Region.

Ito ay sa harap nang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa NCR, na umaabot sa higit 900 new infections kada araw mula Pebrero 26 hanggang Marso 4.

Ayon sa mga analysts, tumaas din kasi ang ratio ng mga taong nagpopositibo sa COVID-19 sa rehiyon sa average na 7 percent sa nakalipas na pitong araw at tumaas din pa ng 1-percentage point kada linggo.

Sa Pasay City lamang, sinabi ng grupo na 150 bagong COVID-19 cases ang naitala mula Pebrero 26 hanggang Marso 4, na maikukonsidera bilang “highest average daily new cases” ng lungsod.

Bukod sa Pasakay, iba pang lungsod sa Metro Manila ang nakapagtala ng “marginal” increase sa COVID-19 infections, ayon sa OCTA.

Hindi katulad sa mga nagdaang surges, ang pagsirit ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa mga nakalipas na araw ay nagpapakita lamang nang mabilis na pagkalat ng virus sa loob ng maiksing panahon.

Ibig-sabihin, mabilis talaga ang pagkalat ng virus sa ilang local government units sa rehiyon.

Naniniwala ang OCTA na ang surge sa COVID-19 cases sa Metro Manila ay maaring dulot ng bagong mga variants na nakapasok sa Pilipinas, kabilang na ang UK at South African strains.

Kapag mapabayaan ito, nangangamba ang grupo na lalo pang kakalat sa rehiyon ang naturang mga variants.

Kaya iginiit ng grupo na kailangan kumilos ng pamahalaan sa lalong madaling panahon at supilin ang mas nakakahawang variants na ito bago pa man mahuli ang lahat.