CEBU CITY – Tahasang inihayag ng dating Anti-Fraud Legal Officer ng PhilHealth (Philippine Health Insurance Corporation) na mga pribadong ospital ang nasasangkot sa insurance fraud ng ahensya.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Atty. Thorsson Montes Keith, ang PhilHealth whistleblower, sinabi nito na ang insurance fraud ay naisasakatuparan sa pamamagitan ng pag-uusap ng mga private hospital at ng PhilHealth.
Ito ang pahayag ni Atty. Keith kaugnay sa impormasyong hawak ng Bombo Radyo Cebu kung saan nasasangkot daw ang Perpetual Succour Hospital matapos na nagkaltas ng P161,000 sa PhilHealth insurance ng isang pasyente.
Ang pasyente ito ay namatay dahil sa prostate cancer at nag-negatibo sa RT-PCR (reverse transcription polymerase chain reaction) test ng nasabing ospital ngunit nakalagay sa death certificate nito na isa itong coronavirus positive, bagay na inalmahan ng pamilya.
Ayon sa whistleblower, ang Interim Reimbursement Mechanism (IRM) ng PhilHealth ay hindi cash advance na kung saan pera muna bago ang trabaho.
Aniya, wala pang ginagawang trabaho ngunit pinaniniwalaang “bumabali” na ang mga ospital kahit labag sa batas.
Gayunman, naniniwala si Atty. Keith na may mga mabubuti pa ring tao sa gobyerno na hindi gumagawa ng anumang kalokohan kaya panawagan nito sa taongbayan na huwag pa rin mawalan ng tiwala sa pamahalaan.