-- Advertisements --

Nangako ang LTFRB na dadagdagan nila ang mga ruta ng mga public utility vehicles (PUVs), lalo na ng mga public utility jeepneys (PUJs), sa oras na ibalik na sa General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila.

Pagtitiyak ito ni LTFRB chairman Martin Delgra III sa hybrid meeting ng House Committee on Metro Manila Development kamakailan.

Sinabi ng chairman ng komite na si Manila Rep. Manuel Luis Lopez, dapat tinayakin na sa pagpasok ng GCQ ay “ground running” na ang mass public transportation.

Hindi aniya katanggap-tanggap na aabutin ng ilang oras ang biyahe ng mga mananakay papunta sa kanikanilang trabaho dahil sa kakulangan sa mga pampublikong sasakyan.

Nauna nang iminungkahi ng komite na itaas sa 30 percent at karagdagang 10 percent kada linggo ang papayagang pampublikong sasakyan na makabiyahe.

Kinatigan naman ni Delgra ang naging panawagan ng komite para sa dagdag na ruta at magsusumite ang ahensya ng kanilang comprehensive PUV route rationalization plan sa August 14.

Sinabi ni Delgra na magbubukas sila ng isang batch ng ruta kada linggo at ito ang kanilang isusumite sa komite sa susunod na Linggo.