-- Advertisements --

Maaaring magkaroon ng karagdagang P6 billion na pondo para mabayaran ang mga biktima ng Marawi siege noong 2017 ayon kay Surigao del Sur 2nd Dist. Rep. Johnny Pimentel.

Aniya, ang karagdagang alokasyon para sa Marawi Siege Victims Compensation Fund ay magmumula sa unprogrammed appropriations sa 2024 national budget.

Sinabi pa ni Pimentel na miyembro ng House committee on public accounts na ang P6 bilyon umano ay liban pa sa inisyal na P1 bilyon na nakalaan mula sa programmed appropriations para sa compensation fund sa 2023, at isa pang P1 bilyon sa programmed appropriations para sa pondo sa 2024.

Una ng pinaliwanag ng Department of Budget and Management (DBM) na ang mga unprogrammed appropriations ay “standby funds” na hindi awtomatikong inilalaan at maaari lamang ilabas kapag natugunan ang ilang kondisyon sa pagpopondo tulad na lamang kapag nakalikom ang gobyerno ng karagdagang buwis o non-tax revenues.

Para sa 2024, ang unprogrammed funds ng gobyerno ay umabot sa P731.4 billion.

Habang hindi pa natutugunan ang mga naturang kondisyon para sa paglalabas ng pondo, sinabi ni Cong. Pimentel na kumpiyansa siyang makakalikom ang gobyerno ng karagdagang P6 billion para sa compensation fund.

Matatandaan na noong Mayo 2017, naging ground zero ang Marawi sa loob ng limang buwang labanan sa pagitan ng mga pwersa ng gobyerno at mga grupong kaanib sa Islamic State na Maute group na ikinasawi ng mahigit 1000 katao at 95 porsyento ng mga struktura sa lungsod ang nasira.