Nilinaw ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia na walang plano ang Kapitolyo na paalisin ang mga nakatira sa 25-ektaryang lupain sa Barangay Jagobiao, Mandaue City kabilang ang Eversley Childs Sanitarium, Food and Drug Administration (FDA), iba pang istruktura ng gobyerno at mga pribadong residente.
Naglabas ng pahayag si Garcia dahil sa pangamba ng mga nakatira sa lugar na paalisin matapos nagpadala ng Notice to Vacate ang Kapitolyo sa pamamagitan ng Provincial Legal Office para lisanin nila ang property.
Dinepensahan naman ng gobernador ang naging desisyon at sinabing nais lamang ng Kapitolyo na ihayag ang pagmamay-ari nito sa lupa dahil hindi pa umano kinikilala ng mga nag-okupa sa lugar bilang “rightful owner” ang Probinsiya ng Cebu.
Iginiit ng mga opisyal ang karapatan ng Kapitolyo sa property at ipinapakita ang mga dokumento gaya ng Deed of Donation at ang Deed of Acceptance bilang patunay na ang pinag-uusapang lote ay naibigay ng Archdiocese of Cebu sa lalawigan noong 1930.
Binatikos pa ni Garcia ang pamunuan ng Eversely dahil sa umano’y “playing the victim card” kahit alam na ng mga opisyal nito na pag-aari ng Kapitolyo ang lupain kaya kinokonsidera na dalhin sa korte ang isyu.
Ngunit sinabi rin ni Garcia na handa silang pumasok sa isang usufruct agreement sa mga nag-okupa sa lote upang maging lehitimo ang pananatili ng mga ito sa lugar.
Samantala, tiniyak naman ni Garcia na hindi paalisin ang mga pribadong residente sa lugar dahil nagbigay ng legal na basehan ang National Housing Authority (NHA) para ipagtanggol ang mga benepisyaryo na nag-okupa doon.
Batay na rin ito sa Presidential Proclamation Number 1722 na inilabas ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na nagpapahintulot sa mga bahagi ng property na gamiting socialized housing project.