BUTUAN CITY – Nasa kulungan na ngayon sa Ampayon Police Station si Barangay Ampayon, Butuan City Kapitan Rodencio Basubas Jr, matapos itong nahuli sa isinagawang entrapment operation kaninang hapon sa loob ng Barangay hall.
Napag-alaman na ang nasabing operasyon ay may kaugnayan sa pagtanggap umano ng pera sa kapitan na bayad sa lupang pinagmamay-ari sa pamilyang Briones.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Kapitan Basubas, mahigpit nitong pinabubulaanan nga mayroon siyang nalabag na batas.
Salaysay pa nito, lumapit sa barangay ang asawang si Briones upang maningil sa bawat anim na buwang bayarin sa lupa na aabot sa mahigit kalahating milyon kung saan dalawang taon na siyang hindi nababayaran simula noong binili ng barangay ang kaniyang lupain.
Ngunit nilinaw ni Basubas na hindi siya pwedeng magpalabas ng pera na wala sa kanilang budget dahil pinadalo si Briones sa kanilang regular session at napagkasunduan na direktang magbabayad ang mga nakatira sa nasabing lupain kay Briones upang hindi na ito ibenta sa ibang buyer.
Ngunit bago pa umalis sa Butuan City ang may-ari, binigyan nito si Kapitan Basubas ng authority na tumanggap sa bayad na bibigyan lamang ng acknowledgement receipt na galing sa may-ari at ipapadala ang pera kay Briones.
Kanina ay may nagbayad sa pamamagitan ni Lolong Cane sa halagang P150,000 ngunit na-shock na lamang ang kapitan dahil ito pala ay entrapment operation.
Kaagad na pinosasan ang kapitan at inilatag ang pera sa mesa na karamihan pala ay peke.
Kaugnay nito, malaki ang paniniwala ni Kapitan Basubas na harassment umano ang ginawa sa kaniya at polika ang motibo.