Naglabas muli ng abo ang Kanlaon Volcano noong Linggo ng umaga, Mayo 24, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Ayon sa ahensya, ang pagbuga ng abo ay naitala mula alas-6:58 hanggang alas-7:09 ng umaga gamit ang IP camera sa Kanlaon Volcano Observatory sa Canlaon City.
Batay sa datos ng PHIVOLCS, umabot sa humigit-kumulang 300 metro ang taas ng kulay abong plume bago ito tinangay patimog-kanluran.
Ipinakita rin ng PHIVOLCS ang sped-up camera footage ng naturang pagbuga ng abo sa kanilang social media accounts.
Sa mga nakalipas na araw, nakapagtala na rin ng kaparehong aktibidad ang bulkan. Noong Mayo 22, nagbuga rin ito ng abo na umabot sa 200 metro ang taas bago muling tinangay patimog-kanluran.
Patuloy na nasa Alert Level 2 ang Kanlaon Volcano, na nangangahulugang may moderate level ng volcanic unrest at may posibilidad pa rin ng biglaang pagsabog o pagtaas ng aktibidad.
















