Ipapadeklarang bakante ng kampo ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang House speakership post kung hindi magbibitiw sa puwesto si Speaker Alan Peter Cayetano sa Oktubre 14.
Sa isang panayam, sinabi ni AAMBIS-OWA party-list Rep. Sharon Garin na itutuloy nila ang 15-21 agreement sa pagitan nina Cayetano at Velasco, at idedeklarang bakante ang posisyon upang sa gayon makita kung ano ang magiging desisyon ng bawat kongresista.
Wala naman aniyang problema kung gusto ng marami sa mga kongresista na huwag sundin ang suhestiyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nauana nang pinayuhan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang mga kapwa mambabatas na nais magkaroon nang pagbabago sa House leadership na ideklarang bakante ang posisyon ni Cayetano para malaman kung sino ang makakakuha ng sapat na boto bilang Speaker.
Base sa kanilang gentleman’s agreement, si Velasco ang nakatakdang uupo bilang susunod na lider ng Kamara simula Oktubre 14.
Ito ang natukoy sa pulong ng dalawang kampo sa Malacanang kasama si Pangulong Duterte.








