Tinawanan lamang ng kampo ni Sen. Manny Pacquiao ang mungkahi ng kampo ni Energy Sec. Alfonso Cusi na tumakbo na lang ito bilang senador uli sa 2022 elections.
Sinabi sa Bombo radyo ng tagapagsalita ni Pacquiao na si dating Rep. Monico Puentevella, tila panghahamak ito sa kanilang panig.
Aniya, presidente ng PDP-Laban ang pinag-uusapan dito at hindi ang sinumang karaniwang miyembro lamang ng partido.
Nalulungkot din umano sila na maging si Sen. Koko Pimentel, na mismong magsulat ng constitution ng grupo ay naitsapwera ng kampo ni Cusi.
Giit pa ni Puentevella, hindi na dapat maulit ang nangyari noong nakaraang halalan na sa una ay tumatanggi pa si Pangulong Rodrigo Duterte, ngunit sa huli ay tatakbo rin pala.
Duda ng kampo ni Pacquiao, si Davao City Mayor Sara Duterte talaga ang ninanais ng ilang party officials na tumakbo sa pagka-pangulo.