-- Advertisements --

Humarap ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) upang tutulan ang kahilingan ng prosekusyon na siyasatin ang mga gamit na nasamsam sa kanyang pag-aresto, na tinawag nilang isang “fishing expedition” o paghahanap ng ebidensyang walang sapat na batayan.

Ayon kay lead defense counsel Atty. Peter Haynes, matagal nang nasa kustodiya ng ICC Registry ang mga gamit ngunit ngayon lamang nais suriin ng prosekusyon, kahit nakumpirma na ang mga sakdal laban kay Duterte, bagay na aniya’y makakaantala lamang sa paglilitis.

Tinuligsa rin ng depensa ang hiling na suriin ang lahat ng susi na nakumpiska, iginiit na wala itong malinaw na kaugnayan sa kaso at maaari pang lumabag sa privacy ng mga kaanak ni Duterte.

Dahil dito, hiniling ng depensa sa ICC Trial Chamber III na magtakda ng Hunyo 30, 2026 bilang huling araw para sa anumang bagong mosyon ng prosekusyon kaugnay ng mga ebidensyang nasa ICC Registry.

Layunin ng kampo ni Duterte na maiwasan ang anumang karagdagang pagkaantala sa paghahanda para sa nalalapit na paglilitis.